Tatakbo si Among Ed. Tatakbo si Bro. Eddie. Tatakbo si Bro. Mike. Paano kung tumakbo rin si Ka Erdie ng Iglesia ni Kristo?
Sa pamamagitan ng isang press conference noong nagdaang buwan, pormal na inanunsiyo ni Amung Ed ang kanyang pasiyang tumakbo bilang pangulo sa halalang darating. Sa katapusan ng Agosto, at sa kalagitnaan ng Oktubre, at katapusan ng Disyembre, mag-abang tayo sa malalaking pagtitipon ng mga kapanalig ni Bro Eddie Villanueva upang ipahayag naman ang kandidatura ni Bro Eddie sa pagkapangulo. Nitong martes, Agosto 19, sa panayam ng Probe, isang programang pantelebisyoin sa channel 2, inanunsiyo ni Bro. Mike ang kanyang balak na tumakbong pangulo sa halalan na sinimulan nila sa isang questionnaire sa mga kasapian ng El Shaddai. Mabuti na lamang at sa mga isyu lang tumatakbo si Fr. Robert. Paano na kung biglang mag-anunsiyo ang Iglesia ni kristo at patakbuhing kandidato sa pagka-pangulo ang kanilang pinuno?
Opisyal na nagtapos ang lumang panahon (ancient regime) noong 476CE, sa pagbagsak ng Western Roman Empire, at mula dito ay isinilang ang Panahong Pyudal o medieval. Isang panahong ang simbahan ( Simbahang Katoliko Romano, at ng simbahang protestante sa bandang dulo, lalo na ang Anglican Church sa Britaniya) ang siyang pinakamakapangyarihan sapagkat bagaman may mga monarkiya, ay nangangailangan pa rin ng basbas ng simbahan. Sa panahong ito, simbahan ang gabay, at may huling salita sa kung ano ang tama at mali.
Sa pagpasok ng kaisipang liberal at sa pag-unlad ng panahon ng modernismo, sa tulong ng agham at pilosopiya, ang mga institusyong pampaaralan, at pampulitika ay itinulak na paghiwalayin ang relihiyon at gobyerno. Ang doktrinang ito na salalayan ng isang modernistang pananaw ay nakabatay sa paniniwalang sapagkat ang bawat mamamayan ay may sariling isip (at dahil dito ay may karapatang isang boto, isang tao), ang gobyerno ay dapat na maging malaya sa impluwensiya at kontrol ng anumang sekta o relihiyon. Tinawag itong doctrine of the separation of Church and State.
Ang mga unanag kaisipan hinggil dito ay sinimulan ni Martin Luther sa kanyang "doctrine of two kingdoms." Ang doktrinang ito naman ay unang tinalakay ni John Locke (Agosto 1632-Oktubre 1704), isang pilosopo at political thinker mula sa Britanya, noong magsimula ang pagsulong ng panahon ng modernismo sa Europa. Sa kanyang "Social Contract", sinabi niya na ang pamahalaan ay walang autoridad sa mga indibidwal na konsiyensiya at dahil ang relihiyon ay ayon sa konsiyensiya ng isang tao, hindi ito dapat paki-alaman ng gobyerno. Malaki ang impluwensiya niya sa pagsasabatas at pagpopormalisa ng doktrinang ito sa Deklarasyon ng Independensiya ng Estados Unidos.
At bilang taga-sunod ng kaisipang amerikano, ito ang naging gabay ng ating mga pamahalaan magmula ng Unang republika bagaman hindi maikakaila ang impluwensiya ng simbahang katoliko bilang institusyon sa sinumang namahala. Ngunit kahit paano, ang doktrina ng paghihiwalay ng relihiyon at estado ay naisasabuhay sa ating pamamahala, sa kabila ng maraming kakulangan o limitasyon.
Subalit ang pagtakbo sa eleksyon ng mga kilalang puno ng iba't ibang sekta at relihyon ay nakakabahala.
Sa isang banda, ang paglahok ng mga personaheng ito sa pulitika ay isang malungkot na komentaryo sa estado ng pulitika sa ating bansa. Walang matitibay na partido pagkaraan ng halos 100 taon ng mga halalan. Kakulangan ng mga lider sa pulitika na pinagkakatiwalaan at iginagalang, tinitingala at pinakikinggan ng mga mamamayan. Ang Senado ay nagiging pugad ng mga mababaw na "expose" na kung hindi moro-moro ay nauuwi sa komedyang bayang hindi nanatatawa. Samantala, ang Kongreso, kung hindi sunud-sunuran sa malacanang at may-hawak ng pondo ng bayan, ay kweba ng mga apo, anak, asawa, at tauhan ng mga dati nang iilang dinastiya sa mga probinsiya at syudad, samantalang napapalamutian ng mga party-lists representatives na ang karamihan, imbis na maging tinig ng mahihirap na sektor ay dagdag lang sa kampon ng nasa kapangyarihan.
Ngunit hindi ang pagtakbo ng mga puno ng mga sekta at relihiyon ang tunay na solusyon sa pagka-uhaw na ito ng bayan sa mga lider na may integridad, kapani-paniwala at may sapat na kaalaman at kahusayan. Hindi pagbabalik sa panahong medieval at pyudalismo ang sagot sa problemang ito.
Tanging sa pagpapatatag lamang ng mga partido na nag-iiba at naghihiwalay dahil sa kakaibang programa at plataporma de gobyerno ang unang landas sa paglunas sa problemang pulitikal na ito. Kailangan ang mga batas na magpapatatag ng mga ito-susuporta sa mga maliliit at nagsisimulang partido sa anyo ng pondo mula sa gobyerno ayon sa laki ng botong natanggap nito, ang pagbabawal sa paglipat sa mga partido 2 taon bago ang halalan, ang pagbalangkas ng batas na magsusulong ng anti-dynasty provision sa ating Saligang Batas, at marami pang iba.
At kung mangyari ang mga ito, ang mga personahe ng mga sekta at relihiyon ay hindi pa rin pagbabawalang tumakbo, ngunit kailangan nilang bumaba sa puwesto o posisyon sa kanilang simbahan, at maging handang karaniwang kasapi na lamang nito. Tama at nararapat lamang ang pasiya ni Amung Ed na umalis na pagpapari at magpa"laicized" dahil sa kanyang pasiyang tumakbong pangulo sa halalang darating. Sa ganitong paraan, hindi nila magagamit ang posisyon sa kanilang simbahan, sa kampanya, at sa panahong mahalal, ay maiwasan ang tuwirang pakikialam ng simbahang kinabibilangan niya sa gawain ng pamamahala at lehislasyon.
Arcy Garcia
Barangka, Marikina
20 Agosto 2009